Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na maglatag na ng kanilang plano para sa mass vaccination.
Utos ito ng ahensya bilang paghahanda sa paparating na mga bakuna sa COVID-19.
Sabi ni DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya, naglabas ang ahensya ng Memorandum Circular No. 2021-007 na inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na maglatag ng kanilang mga gagawin base sa Department of Health (DOH) guidelines.
Kabilang dito ang malawakang kampanya para sa information dissemination upang maipaliwanag ng husto sa taumbayan ang kahalagahan ng National Vaccination Program.
Nakapaloob din daw dapat sa plano ng lokal na pamahalaan ang listahan ng mga tatanggap ng bakuna, pagtukoy sa mga posibleng vaccination centers, pagkakaroon ng mga cold storage para paglagyan ng bakuna at iba pang logistics.
Pinabubuhay rin ng DILG ang mga Emergency Operation Centers ng mga LGU upang sanayin ang mga volunteers, information officers, health offices, sanitary offices, at mga barangay personnels na magiging katuwang sa paghahanda at aktwal na pagbabakuna.
Samantala, pinayuhan din ni Malaya ang mga lokal na pamahalaan na nais bumili ng kanilang sariling bakuna na makipag-ugnayan kay National Task Force COVID-19 Vaccine Czar Carlito Galvez at dapat umanong pumasok sa Tripartite Agreement.