Nakatakdang isyuhan ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Cainta Mayor Kit Nieto kaugnay ng umano’y atrasadong pamimigay ng benepisyo sa nasawing medical frontliner na si Ma. Theresa Cruz.
Ito ang naging rekomendasyon ng fact -finding team na nag-imbestiga sa reklamo ng kapamilya ni Cruz na humantong na sa paghaharap ng reklamo sa Ombudsman.
Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, dapat ipaliwanag ni Nieto kung bakit hindi siya dapat kasuhan.
Lumalabas sa resulta ng imbestigasyon ng fact-finding team na bagamat naibigay ang mga benepisyo, naging atrasado naman umano ang pagpapalabas nito.
Agosto 5, 2020 na naibigay ang mga hazard pay at special risk allowance ni Cruz na para sa buwan ng Marso hanggang Mayo.
July 22, 2020 nang bawian ng buhay si Cruz dahil sa severe pneumonia.
Isinailalim lang din sa rapid test ang nurse matapos malantad sa COVID patients.
Sa ilalim ng DOH guidelines, sa PCR test dapat isinasailalim ang mga frontliners.