Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang mga sinasabing paglabag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pag-escort sa political prisoner na si Reina Mae Nasino sa burol at libing ng kaniyang anak na si baby River.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, inaalam na nila ang mga posibleng paglabag para agad na masampahan ng kaukulang aksyon.
Inatasan na rin ni Año si BJMP Director Allan Iral na silipin ito para alamin kung mayroong mga pagkukulang na ginawa ang mga jail officers.
Suportado naman ni Año ang pahayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago na hindi na dapat pinapalaki at gawing sensationalize ang isyu lalo na at hindi lahat ng persons deprived of liberty (PDLs) ang nabibigyan ng furlough.
Aniya, hanggang may kaso ang isang PDL, hindi lahat ng karapatan ay maibibigay sa kaniya.
Iginiit din ng kalihim na ginagawa lamang ng BJMP officers ang kanilang trabaho sa pag-escort kay Nacino.
Nagpaalala rin si Año na tinitiyak lamang ng BJMP na nasusunod ang utos ng korte lalo na ang pagtakas ng isang PDL.