Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking sarado lahat ang mga private at public cemeteries, memorial parks at columbarium simula Oktubre 29 hanggang November 4.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bagama’t napabagal na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, hindi pa maaaring magpakakampante pagdating sa sitwasyon sa Metro Manila.
Aniya, mayroon pa rin banta ng virus kung kaya’t dapat matiyak na walang mangyayaring mass gathering sa mga sementeryo.
Iniutos din ng DILG Chief sa lahat ng mga police commanders na i-monitor kung nasusunod ang minimum health standards sa mga maagang bibisita sa lahat ng mga sementeryo, memorial parks at columbarium.
Pinalalagyan din ng DILG ng Philippine National Police (PNP) assistance desks ang mga entrance ng mga sementeryo at columbarium gayundin ng pagtatalaga ng police officers para sa regular foot patrol.
Humingi naman ng pag-unawa ang Kalihim sa mga pagbabago sa paggunita ng Undas dahil hindi pa nagtatapos ang health crisis.