Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang local government units (LGUs) sa kanilang mahusay na COVID-19 vaccine rollout at pangungumbinsi sa mga tao na magtiwala sa bakuna.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nagagalak sila na may ilang LGUs ang naghahanap ng paraan para hikayatin ang kanilang mamamayan na magpabakuna.
Aniya, kapag mas maraming tao ang magpabakuna ay mas maagang matatapos ang pandemya sa bansa.
“The out-of-the box initiatives by some LGUs can be replicated by other LGUs so they too can fast track their COVID-19 vaccination efforts. By taking giant leaps, we can all move forward towards achieving the added layer of protection against COVID-19 and its variants,” sabi ni Año.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino at makakuha ng nasa 148 million doses ngayong taon.
Hinikayat ng DILG ang mga LGUs na regular na i-update ang kanilang COVID-19 data sa Vaccine Monitoring System (VMS) para makita ang tunay na sitwasyon ng COVID-19 vaccination program.