Tinawag na kahanga-hanga ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ginawa ng ilang tapat na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) na nagsauli at piniling huwag nang tanggapin ang financial assistance na bigay ng gobyerno.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang kanilang katapatan at pakikiramay sa kanilang kapwa tao ay nagpapakita ng likas na kabutihan sa gitna ng laban kontra sa COVID-19 pandemic.
Sa kabila aniya ng delay sa pamamahagi ng tulong nagawa pa rin nilang ibalik ang emergency subsidy dahil ilan ay nagkaroon ng duplication, disqualification o likas na mapagbigay sa kapwa.
Paliwanag ng DILG chief, ang mga kuwentong ito ng katapatan, pagpaparaya at pagbibigayan sa gitna ng krisis pangkalusugan ay mas makabuluhan dahil ang gawa ng pagkamapagbigay ay nagmula sa mahirap na sektor ng lipunan.
Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang kalihim na ilan sa mga nabigyan ng tulong ay ginamit lang sa pagsusugal at pagbili ng iligal na droga.