Pinawi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang pangamba sa ulat na posibleng nakapasok na sa bansa ang mga international drug syndicate.
Ito’y kasunod ng pagkakaaresto sa Canadian national na sangkot sa P9.6-B na halaga ng shabu na nasabat sa Alitagtag, Batangas.
Kinumpirma ni Abalos na “still manageable” o kontrolado na nila ang sitwasyon at sa katunayan aniya ay tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga kasabwat ng nahuling dayuhan at nagpapatuloy ang ginagawa nilang pagtugis sa mga ito.
Iginiit ni Abalos na tagumpay ang kanilang mga isinasagawang pinaigting na anti-drug campaign partikular na sa kasong ito.
Nauna nang nabanggit ng kalihim na malaki ang kaugnayan ng nadakip na Canadian national sa nasamsam na 1.4 tonelada ng shabu sa Batangas noong nakaraang buwan.