Manila, Philippines – Naniniwala si DILG Secretary Eduardo Año na hindi na kailangan pa ang anumang travel advisory sa Mindanao dahil isolated cases lamang ang mga nangyaring pagpapasabog sa ilang lugar doon.
Tugon ito ni Año sa inisyung travel advisory ng United Kingdom na nagbabawal sa kanilang mga mamamayan na bumisita sa Western at Central Mindanao.
Hindi aniya makatwiran na lahatin ang lahat ng lugar sa Mindanao na may banta sa seguridad.
Bagaman at aminado ang gobyerno na may banta ng terorismo at problema ng insurhensiya, nasa ilang lugar lamang ang mga ito.
Sinabi pa ng DILG chief na hindi naman nagpapabaya ang gobyerno para mapanatiling ligtas at mapayapa ang katimugang bahagi ng bansa.
Sa ikatlong pagkakataon, isinailalim sa martial law ang Mindanao.
Nagtutulungan ang mga Local Government Units (LGUs), ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang bigyang proteksyon hindi lamang ang residente kundi maging ang mga turista.