Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kapulisan at mga local government unit (LGU) na mahigpit na magbantay sa pagkalat ng mga hindi aprubadong bakuna laban sa COVID-19.
Kasunod ito ng ulat na may nagaganap na sikretong pagbabakuna ng COVID-19 sa Binondo, Maynila para sa mga Chinese at Filipino-Chinese.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni DILG Secretary Eduardo Año na iligal ang anumang bakuna na hindi aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA).
“Sa ating mga LGU at kapulisan, do not allow na may mga hindi pa approve na gamot ay gagamitin sa tao. So, i-report lang sa amin, gagawin namin ang kaukulang aksyon kaagad,” ani Año.
“Doon sa mga kababayan naman natin na nagpapaturok ng ganyan, e mag-isip-isip muna tayo,” dagdag ng kalihim.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Police District (MPD), Manila Health Department (MHS) at Bureau Of Permits (BOP) ang ulat.
Inatasan din ng alkalde ang mga naturang ahensya na magsampa ng kasong kriminal at iba pang asunto sa mga responsible sa umano’y sikretong pagbabakuna.