DILG Sec Año, pinasisibak ang tatlong matataas na opisyal ng PNP na sangkot sa investment scam sa Gensan
Ipinasisibak ni DILG Secretary Eduardo Año kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde ang agarang pagsibak sa pwesto sa tatlong high ranking police officers ng Police Regional Office 12 .
Ang mga nabanggit na opisyal ay isinasangkot sa investment scam na abot na sa halos P2-Billion.
Kabilang sa mga pinasisibak ni Año ay sina P/Supt Manuel Lukban, Jr., P/Supt Raul Supiter, at P/Supt Henry Biñas, na lahat ay nakatalaga sa PRO 12.
Ginawa ito ni Año upang maiwasan na maimpluwensiyan pa ng mga ito ang ginagawang imbesgigasyon sa Police Paluwagan Movement (PPM) investment scam na diumano’y kanilang pinatatakbo at kasabwat ang iba pang uniformed at non-uniformed personnel ng General Santos City Police Office.
Inatasan din ng kalihim ang PNP Criminal Investigation and Detection Group na pabilisin ang imbestigasyon sa scam na nakapambiktima na ng maraming PNP personnel sa PRO 12, at mga sibilyan.
Base sa inisyal na ulat ang PPM investment scam ay nakaakit na sa ibat ibang sektor sa Region 12 kabilang ang mga prosecutors, judges, entrepreneurs, at mga ordinaryong sibilyan.
Nakakatukso umano ang malaking interest na abot sa 60% sa kada 15 araw na alok ng grupo sa sinumang investors.
Binalaan na rin ni DILG Chief ang iba pang Police Regional Offices na mag ingat sa nabunyag na scam.