Pinangunahan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Navotas City Mayor Johnrey Tiangco ang isinagawang clean-up drive sa gilid ng Manila Bay na sakop ng karagatang bahagi ng Barangay Bacug sa Navotas City.
Dumating ang mga opisyal ng DILG kaninang alas-6:00 ng umaga kung saan ay nakiisa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Navotas City sa pangunguna ni CJSupt. Lucky Dionicio kasama ang mga tauhan ng barangay, mga estudyante, at mga tauhan ng city hall sa paglilinis ng nagkalat ng basura sa pampang at katubigan.
Nakiisa rin ang Navotas City Police sa clean-up drive kung saan umabot sa 250 ang nagtulong-tulong.
Tinawag na “Kalinisan sa Bagong Pilipinas”, ito ang tema ng programa ng gobyerno na pinangungunahan ng mga opisyal ng DILG sa mga isinasagawang clean-up drive.
Hinikayat ni Abalos ang mga mamayan sa lungsod ng Navotas na maging masipag sa paglilinis sa kapaligiran upang mas kaaya-aya at masarap sa pakiramdam higit sa lahat ay maging maayos ang kalusugan kapag malinis ang kapaligiran.