DILG Sec. Remulla, nilinaw: mabilis na paraan ng pagpapauwi kay Zaldy Co ang inutusan — hindi extradition treaty

Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM) na pag-aralan ang mas mabilis na paraan para maibalik sa Pilipinas si dating Rep. Zaldy Co nang hindi dumadaan sa matagal na proseso ng extradition treaty.

Sa isang phone interview para sa Malacañang media, sinabi ni Remulla na hindi utos ng Pangulo ang agad na pagbuo ng extradition treaty sa Portugal. Sa halip, ang direktiba daw ay humanap ng mas mabilis na mekanismo para mapauwi si Co.

Aniya, kabilang sa mga opsyon ang pakikipag-ugnayan sa International Police (INTERPOL) at iba pang internasyonal na channel para pabilisin ang aksyon. Binanggit din niya ang posibilidad ng direktang diplomatikong pag-uusap, depende sa antas ng ugnayan sa gobyerno ng Portugal.

Inihalintulad ni Remulla ang kaso kay dating Rep. Arnolfo Teves, na naibalik din sa bansa sa kabila ng kawalan ng extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste noon, matapos ang direktang pag-uusap nina Pangulong Marcos Jr. at Timor-Leste President José Ramos-Horta sa isang ASEAN meeting.

Gayunman, iginiit ni Remulla na hindi pa tiyak kung maiaaplay ang parehong paraan sa kaso ni Co, dahil hindi pa malinaw ang antas ng ugnayan sa pagitan ng Pangulo at ng gobyerno ng Portugal. Sa kasalukuyan, wala pang umiiral na extradition treaty ang Pilipinas at Portugal.

Facebook Comments