DILG Secretary Abalos, dinepensahan ang umano’y overkill na pagsisilbi ng warrant of arrest kay Pastor Apollo Quiboloy

Dinipensahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang umano ay overkill na pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.

Sa panayam ng media pagkatapos daluhan ang flag raising ceremony sa Bonifacio Monument Circle sa Caloocan, sinabi ni Abalos na naghanda talaga ang Philippine National Police (PNP) dahil sa binitawang salita noon ni Quiboloy na hindi siya magpapahuli nang buhay.

Aniya, may umiiral na batas sa bansa at mayroon ding ginagampanang tungkulin ang mga pulis na hanapin ang isang pugante na gaya ni Quiboloy.


Si Quiboloy ay nahaharap sa mga reklamong child prostitution, sexual abuse, at iba pang mga paglabag katulad ng pang-aabuso, cruelty o exploitation.

Aniya, maximum tolerance pa nga ang mga pulis dahil kahit binomba sila ng tubig ay hindi nila ito tinapatan ng init ng ulo.

Tiniyak naman ni Abalos na kahit hindi nila naabutan si Quiboloy, mas higit silang magpupursiging hanapin ito.

Nanawagan si Abalos kay Quiboloy na kung talagang inosente ito sa mga kinahaharap niyang kaso ay mas makabubuting sumuko na lang ito.

Facebook Comments