DILG Secretary Benhur Abalos, inirekomendang masibak ang Pasay Police sa big-time front ng prostitusyon

Inirekomenda ni Interior Secratary Benhur Abalos kay Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr., na alisin muna sa pwesto ang substation commander at mga tauhan nito matapos na madiskubre doon ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pasay City na may mga iligal na aktibidad.

Una nang sinalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP-Special Action Force ang nabanggit na POGO at nadiksubre na talamak dito ang sex trafficking, crypto scam at love scam.

Sinabi ni Abalos na layon nitong mabigyang daan ang imbestigasyon dahil hindi biro ang nabanggit na operasyon kung saan nasa 600 ang hinihinalang biktima.


Palaisipan kay Abalos kung bakit hindi alam ng Police Substation 1 na mayroong mga iligal na aktibidad sa kanilang nasasakupan sa kanto ng FB Harrison at William Street.

Hindi naman pinaaalis ang Chief of Police ng Pasay pero pinaiimbestigahan na rin ito ng kalihim.

Gumugulong na rin aniya ang pagsisiyasat kung may pagkukulang ang Pasay Local Government Unit dahil malapit lang sa city hall ang sinalakay na POGO hub.

Facebook Comments