Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na siguruhin ang kaayusan at ipatupad ang maximum tolerance sa gitna ng mga planong kilos-protesta ng iba’t ibang grupo.
Kasunod ito ng mga ulat na magsasagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang militanteng grupo na kumukwestyon sa resulta ng katatapos na halalan.
Nagsagawa kahapon ng kilos-protesta ang grupong Kontra Daya, Kabataan, Karapatan, Bayan, at Kilusang Mayo Uno sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros para kwestyunin ang resulta ng eleksyon kung saan nangunguna si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Año, may kalayaan ang taumbayan na magsagawa ng kilos-protesta at ipahayag ang kanilang hinaning ngunit dapat sila ay sumunod sa batas.
Dagdag pa ng kalihim na kapag natapos ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato ay kailangan irespeto ang naging paghatol ng bayan.
Sa kabuuan, ikinatuwa ng DILG na naging mapaya at maayos ang halalan nitong May 9.