
Binigyan umano ng karapatan ng Malacañang si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla para magdeklara ng work at class suspensions tuwing may sama ng panahon base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito ang nilinaw ng DILG sa isang opisyal na pahayag.
Ayon sa ahensiya, kinumpirma umano mismo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Bilang NDRRMC Vice Chairperson for Disaster Preparedness, tiniyak ni Remulla na gabi pa lang ay magdedeklara na ng work at classes suspension.
Dagdag ng DILG, bagama’t ang DILG chief ang binigyang awtoridad na magdeklara ng suspensyon, maaari pa rin naman na manggaling ang desisyon mula sa Department of Education (DepEd) at sa local government units (LGUs) base sa lagay ng panahon sa kanilang nasasakupan.









