
Kumpiyansa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na mapapanagot ang tatlong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na naaresto kaugnay ng umano’y hazing sa Silang, Cavite.
Ayon kay Remulla, walang puwang sa PNPA ang karahasan at pang-aabuso, at dapat manaig ang pananagutan at disiplina na hindi nakabatay sa kalupitan.
Iniimbestigahan din ang pitong iba pang kadete na posibleng sangkot sa insidente.
Noong Abril 7, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit ang tatlong 3rd Class cadets na sina Mhicco Legarda Escalante, Harold Locop Heje, at Lance Elroy Guinitaran.
Isinasangkot sila sa umano’y hazing rites sa 22 PNPA Cadets sa kanilang barracks sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang, Cavite noong Abril 3, 2026.
Ang tatlong kadete ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 at ngayon ay nasa ilalim ng kustodiya ng CIDG.
Nangako ang DILG na magkakaroon ng masusing imbestigasyon at mas mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente sa training institutions.










