Sana ay nakipag-coordinate muna si dating Senator Jinggoy Estrada sa Local Government Unit (LGU) ng San Juan City bago namahagi ng relief goods kahapon.
Ito ang binigyang diin ngayom ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Laging Handa public press briefing.
Matatandaang kahapon, inaresto si Estrada dahil sa paglabag nito sa pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Año, malinaw sa panuntunan ng IATF at DILG na dapat otorisado ang alinmang relief goods distribution at dapat ay mayruong sertipikasyon mula sa LGU.
Ang LGU kasi aniya ang nakakaalam kung sinu-sino ang mga nabigyan na ng ayuda, maliban dito wala rin aniyang quarantine pass ang mga kasama ni Estrada sa pamamahagi ng relief goods.
Nakita rin aniya nila sa mga video na hindi napanatili ang social distancing at maging yung mga itinuturing na high-risk sa COVID-19 tulad ng mga bata at nakatatanda ay lumabas upang makahingi ng relief goods.
Paliwanag ni Año, kung hindi man kasundo ni dating Senator Jinggoy ang kasalukuyang namumuno sa San Juan ay minarapat na lamang sana nitong makipag-ugnayan sa Office of Civil Defense para ito na lamang ang namahagi ng ayuda.
Kasunod nito, nilinaw ni Año na hindi naman pinagbabawalan ang mga nagnanais mamahagi ng tulong pero kailangan munang may koordinasyon sa Lokal na Pamahalaan para matiyak na organisado ang relief distribution.