Hindi pa masabi sa ngayon ni National Task Force Against COVID-19 Vice Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang magiging kapalaran ng Metro Manila pagsapit ng July 1, 2020.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Año na hindi pa niya matiyak kung ga-graduate tayo sa General Community Quarantine (GCQ) at pupunta na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) o kung babalik ba ang National Capital Region (NCR) sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Año, titignan muna nila ang report ng Technical Working Group on Data Analytics para makapagdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na kanila namang irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang pinalawig ni Pangulong Duterte ang GCQ sa Metro Manila hanggang June 30, 2020 kung saan mas marami na ang negosyong bukas pero limitado lamang ang mass transportation.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) umaabot na sa 32,295 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa, 8,656 ang naitalang nakarekober habang nasa 1,204 ang nasawi.