Kinastigo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya si Kabataan Partylist representative Sarah Elago dahil sa paggamit sa pagkamatay nina Keith at Nolven Absolon para pilitin ang gobyerno na bumalik sa pakikipag-usap pangkapayapaan.
Ayon kay Malaya, sa halip na manawagan ng hustisya, mas pinili ni Elago na gamitin ang pangyayari upang makapag-propaganda.
Aniya, nakakagalit at nakakasuklam ang ipinahayag ni Elago dahil kasunod ito ng ginawang pag-ako ng New People’s Army (NPA) ng pananagutan sa pagkamatay ng football player.
Ani Malaya, patunay lang ito na hindi talaga interesado ang NPA na panagutan sa batas ang kanilang aksyon.
Nauna na ring iginiit ni DILG Secretary Eduardo Ano sa Communist Party of the Philippines (CPP) na isuko ang iba pang miyembro ng NPA na nasa likod ng pag-atake.