DILG, sisimulan na ang pag-hire ng 50,000 contact tracers

Uumpisahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagtanggap ng nasa 50,000 contact tracers matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Sa ngayon, nasa 97,400 contact tracers ang mayroon sa bansa na binubuo ng mga miyembro ng municipal at city health officers, miyembro ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Barangay Health Response Teams (BHERTS) at volunteers mula Civil Society Organizations (CSOs).

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang karagdagang contact tracers ay makatutulong para mapigilan ang transmission ng COVID-19.


Pinasalamatan ni Año si Pangulong Duterte at ang Kongreso sa paglalaan ng kinakailangang pondo para sa COVID-19 response.

Ang mga tatanggaping contact tracers ay itatalaga sa iba’t ibang contact tracing teams ng Local Government Units (LGU).

Maaabot nito ang target na 150,000 contact tracers at makakamit ang formula ni Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 1:37 (one-is-to-thirty-seven), o sa kada isang COVID-19 patient ay nasa 37 close contacts ang matutunton.

Sa ilalim ng guidelines na binuo ng DILG, ang mga contact tracers ay makatatanggap ng minimum na ₱18,784 kada buwan.

Facebook Comments