Suportado ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panukalang batas na layong limitahan ang populasyon ng bawat barangay sa 15,000.
Matatandaang naghain si Surigao Del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers ng House Bill 6686 na layong amiyendahan ang Section 386 ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991.
Ayon kay DILG Spokesperson, Usec. Jonathan Malaya, kapag kakaunti o limitado lang ang populasyon, magiging maayos ang paghahatid ng mga serbisyo.
Napapanahon na para pag-aralan ang tamang populasyon para sa isang barangay.
Pansin nila na maraming barangay ang kailangang hatiin dahil sa malalaking populasyon, habang may ilang barangay ang kailangang pagsamahin o pag-isahin dahil sa kakaunting residente.
Pero aminado si Malaya na ang long-term solution ay hindi maipapatupad kaagad-agad.
Ang pahayag ng DILG ay kasunod ng pagdagsa ng libu-libong reklamo sa kanilang emergency operations center hinggil sa distribution ng ayuda sa ilalim ng social amelioration.