DILG, tatanggalan ng police power si Guimbal Mayor Oscar Garin

Umaksyon na rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ginawang pambubugbog ni Guimbal Mayor Oscar Garin at ng kaniyang anak na si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin kay Police Officer 3 Federico Macaya.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi niya kukunsintihin ang ipinakitang asal ni Mayor Garin.

Sa sandali aniyang matapos ang ginagawa nilang imbestigasyon at lumitaw na nag-abuso ito sa kaniyang kapangyarihan, irerekomenda niya na tanggalan ng police power ang naturang mayor.


Aniya na sa ilalim ng Section 61 ng Local Government Code of 1991, maaring sampahan ng kasong administratibo si Mayor Garin sa Sangguniang Panlalawigan dahil sa abuse of authority, oppression at misconduct in office.

Idinagdag ng kalihim na dismayado mismo si Pangulong Rodrigo Duterte at nais nitong matiyak na masasampahan ng kaukulang kaso ang mag-amang Garin.

Sa kaso naman ng kongresistang Garin, iminungkahi ni Año na magsagawa ng hiwalay na pagpaparusa ang pamunuan ng House of Representatives.

Facebook Comments