Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mga terorista o mga anti-human rights lamang ang mayroong dapat ikatakot sa Anti-Terrorism Bill.
Sa katunayan, sinabi ni Año na mas mabibigay pa ng proteksyon ang karapatan ng mga inosenteng sibilyan laban sa sinumang teroristang grupo kung maipapasa ang Anti-Terror Bill.
Nakasaad rin aniya sa Anti-Terrorism Bill ang mga proteksyon laban sa torture at iba pang ilegal na gawain.
Kaya walang dahilan para matakot ang publiko maliban lamang sa mga teroristang grupo at ang kanilang mga supporters.
Dagdag pa ng DILG chief, matagal na panahon ng hindi nasosolusyonan ang banta ng terorismo sa bansa dahil hirap ang pamahalaan na magpatupad ng anti-terror operations sa ilalim ng lumang batas.