Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na may mananagot kung mapapatunayang may foul play sa pagkamatay ng umano’y middleman sa pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon kay Abalos, nakakapanghinayang dahil pinaghirapan ng mga pulis ang kaso pero namatay ang itinuturong middleman sa kaso.
Kanina, matatandaang kinumpirma ni Justice Sec. Crispin Remulla na patay na ang middleman sa pagpatay kay Lapid.
Base pa sa paunang impormasyon, nahirapan umano itong makahinga at idineklarang dead on arrival sa New Bilibid Prison hospital.
Samantala, sinabi pa ni Abalos na nagpapatuloy ang otopsiya sa mga labi nito upang matukoy kung ano ang tunay na dahilan sa pagkamatay ng naturang middleman.
Pagtitiyak pa ng kalihim na walang magiging epekto sa Percy Lapid case ang pagkamatay ng sinasabing middleman na nasa loob ng Bilibid dahil nagti-triple kayod na ang kapulisan upang matukoy kung sino talaga ang mastermind o utak sa pamamaslang sa mamamahayag na si Lapid.