Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na aarestuhin agad ang mga barangay captain na mabibigong pigilan ang mga superspreader event sa kanilang nasasakupan.
Ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na hulihin ang mga kapitan na bigong ipagbawal ang mga mass gatherings.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na maaaring arestuhin ang mga kapitan lalo na kung mismong maaabutan ng mga pulis ang mga isinagawang pagtitipon.
Una nang sinabi ng Pangulo na maaaring hulihin ang mga ito dahil sa pagiging pabaya sa mga constituents na posibleng maging dahilan pa ng pagkalat ng COVID-19.
Halimbawa nito ang insidente sa Gubat sa Ciudad Resort sa Caloocan City kung saan lumabas na positibo pala sa COVID-19 ang higit 30 indibidwal mula sa kabuuang 200 katao na nagtungo sa resort.