Thursday, January 29, 2026

DILG, tiniyak na makakasuhan at masisibak ang ilang fire volunteers na pinagnakawan ang nasunog na supermarket sa QC

Pinaiimbestigahan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pagnanakaw umano ng mga alak ng ilang firefighter volunteers sa nasunog na supermarket sa Barangay Pasong Putik, Fairview, Quezon City.

Ayon kay Remulla, tiyak na makakasuhan at masisibak sa tungkulin ang mga ito dahil sa nag-viral na video sa social media.

Nauna nang sinabi ni BFP Spokesperson Fire Supt. Anthony Arroyo na nangyari ang umano’y pagnanakaw habang nagsasagawa ng firefighting operation at mopping-up operation ang mga bumbero.

Giit ng opisyal, hindi inisyu ng BFP ang uniporme at personal protective equipment ng mga nasa viral video kung kaya’t hindi nila personnel ang may gawa nito.

Nakalista aniya sa kanilang incident command system ang lahat ng responding units kabilang ang volunteer groups.

Posibleng sampahan ng kaukulang kaso ang mapatutunayang sangkot sa pagnanakaw at bawiin ang certificate of competency ng mga miyembro ng fire brigade.

Tiniyak naman ng BFP na hindi nito kinukunsinti ang anomang uri ng pagnanakaw o looting at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga sangkot sa insidente.

Facebook Comments