Na-dismiss na mula sa police service ang mga ‘ninja cops’ na humarap sa iba’t ibang imbestigasyon.
Ito ang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasabay ng pagtitiyak sa publiko na nagpapatuloy ang pinaigiting na paglilinis sa hanay ng police force.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, maliit lamang na porsyento sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ang mayroong mga tiwaling pulis.
“Minsan nga kahit sa isang pamilya merong lalabas na black sheep. So kailangan tuloy tuloy yung pagbabantay natin sa disiplina, behavior ng ating policemen at hindi natin papayagan yan,’’ sabi ni Año.
Nananatili aniya ang target ng pamahalaan na sibakin ang lahat ng rogue cops at maikulong ang mga ito dahil sa pagdadala ng pangit na imahe sa organisasyon.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na ang mga motorcycle cops ay sasailalim sa specialized training para matugis ang mga riding-in-tandem suspects katuwang ang Highway Patrol Group (HPG).
Inatasan na ng DILG si PNP Chief Police General Camilo Cascolan na magsumite ng mga specifications para sa gagamiting motorsiklo at sa bilang ng mga tauhang kinakailangan sa specialized units.
“Ito yung mga special units na gagawin namin para maghabol lang ng mga criminals na gumagamit ng motorsiklo, mga nagcacarnap ng motorsiklo, mga nanghoholdap gamit yung motorsiklo,’’ sabi ni Año.
Sa ngayon, tingin ni Año na ang panukalang pagbili ng karagdagang 250 motorcycles ay hindi sapat para magamit ng mga pulis sa buong bansa.