Mula sa dating anim hanggang pitong buwan, paiikliin na lamang ang pagkuha ng permit ng mga telecommunications company ng hindi bababa sa isang buwan.
Ito ang inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ang digital infrastructure sa bansa.
Naglabas ng joint Memorandum Circular (MC) ang DILG, Anti-Red Tape Authority at iba pang national government agencies para pabilisin ang usad ng mga documentary requirements at processing time sa building permit applications ng mga common telecommunications towers.
Inalis na rin sa requirements ang pagkuha ng permiso mula sa home owners association.
Gayundin, ang pagpasa ng mga Sangguniang Bayan resolution.
Sinabi ng DILG Chief na lahat ng steps na nagpapabagal sa proseso ay inalis na sa bagong MC.
Sinisigurado ng DILG na ang mga Local Government Unit (LGU) at ang mga ahensiya ay susunod sa mga pamantayan sa mas mabilis na pag-proseso ng licences, permits at clearances.
Kabilang sa mga makikinabang dito ay ang telecommunication companies tulad ng Globe Telecom, PLDT/Smart Communications, at ang third telco player na Dito Telecommunity Corporation.