Tinukoy na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 29 na barangay chairmen sa Metro Manila na binigyan ng 48 na oras para sagutin ang inisyu sa kanilang Show Cause Order.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kabilang sa mga inisyuhan ng Show Cause Order ay ang Barangays 11, 12, 20, 154, 220, 350, at 212 sa Manila; Barangays Bagong Silangan, 178, 12, 176, 37 at 129 sa Caloocan; Barangays Libis, Pasong Putik, Pasong Tamo, San Bartolome, Batasan Hills, Payatas, Fairview, Novaliches Proper at San Antonio sa Quezon City; Barangay Moonwalk sa Parañaque; Barangays Pio Del Pilar at Bangkal sa Makati; Barangay Almanza Dos sa Las Piñas; Barangay Tonsuya sa Malabon; Barangay Addition Hills sa Mandaluyong at Barangay Alabang sa Muntinlupa.
Bigo ang mga punong barangay na ipatupad ng maayos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanilang lugar sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 pandemic.
Marami nang sumbong mula sa publiko ang natatanggap ang DILG tungkol sa hindi maayos o hindi naipapatupad na physical distancing at ang hindi matigil na mga mass gathering sa barangay.
Sabi ni Año, posibleng masampahan ng administrative charges ang mga punong barangay kapag hindi makumbinsi ang DILG sa kanilang paliwanag.
Kaakibat din dito ang pagpataw ng suspensyon habang dinidinig ang kanilang kaso.
Giit pa ng kalihim na tungkulin ng mga punong barangay na ipatupad ng maayos ang ECQ alinsunod sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act para labanan ang COVID-19 pandemic.