
Sinimulan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-trace sa kinaroroonan ng co-perpetrators o mga kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay SILG Jonvic Remulla, aware ito sa mga pangalang nabanggit sa dokumentong inilabas ng ICC at kahit wala pang arrest warrant ay tine-trace na rin nila ang kinaroroonan ng mga ito bukod sa isang nasawi.
Para umano kung kailanganin na itong maaresto ay nakahanda na ang mga awtoridad sa mga dapat gawin.
Ayon pa kay Remulla, kinukuha na nila ang mga report kung nasaan ang mga nasabing kasabwat ng dating pangulo at posibleng maibigay ito ngayong linggo.
Nabatid na kabilang sa mga pangalang nasa dokumento mula sa ICC ay sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Senator Christopher “Bong” Go, ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at mga matataas na opisyal ng pamahalaan.










