Tiwala si Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi magkakaroon ng lamat ang relasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa nangyaring misencounter sa Jolo, Sulu.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Año na “isolated incident” ang engkwentro kung saan dapat na magtulungan ang PNP at AFP sa imbestigasyon.
Ayon kay Año, isang malalimang imbestigasyon ang ikinasa ng National Bureau of Investigation at Criminal Investigation and Detection Group sa insidente.
Aniya, nais niyang malaman ang katotohanan lalo na’t lehitimo ang operasyon ng mga sundalo habang nalalabuan naman siya sa initial report ng mga pulis.
Una nang kinumpirma sa interview ng RMN Manila ni Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Cirlito Sobejana na apat na sundalo ang namatay matapos na mapagkamalan na miyembro ng lawless group at harangin ng mga pulis sa checkpoint sa Sitio Marina, Brgy. Walled City.
Kasabay nito, tumanggi muna ang opisyal na magkomento lalo na’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa interview ng RMN Manila, inamin ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na ang insidente ay isang misencounter.
Ayon kay Banac, ang PNP ay nakikiramay sa mga naulila ng mga nasawing sundalo.
Nabatid na itinuturing ng pnp na isang malaking leksyon para sa buong kapulisan ang nangyari para mas lalo pa nilang pagbutihin ang mga ipinapatupad na protocols sa mga checkpoint upang hindi na maulit ang insidente.