Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya ang publiko na ireklamo sa DILG Regional Offices ang kanilang mga alkalde na hindi nagpapatupad ng mga regulasyon sa mga pagtitipon o mass gatherings.
Ginawa ni Malaya ang panawagan kasunod ng pag-obliga ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga governors at mayors na ipagbawal na o limitahan ang mass gatherings sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Malaya, maaaring ireklamo ang mga local officials sa pamamagitan ng pag-email o pagtawag sa DILG Regional Office o field office o di kaya ay sa DILG Emergency Operations Center.
Giit pa ng opisyal, hindi umano dapat mag-dalawang isip na magreklamo ang mga residente upang agad na matugunan ng mga kinauukulan.
Banta ng DILG na makakasuhan ang sinumang Local Chief Executives na hindi sumunod sa kautusan.