Wala pang natatanggap na direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) mula sa Malacañang kaugnay sa isang Local Government Unit (LGU) na hindi pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamahagi ng ayuda.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, hindi pa nagbababa ng utos ang Palasyo sa kanila na pangunahan na ang pamamahagi ng cash assistance sa LGU na nabigo ang mga opisyal na isaayos ang distribusyon.
Matatandaang sa ‘Talk to the Nation Address’ ni Pangulong Duterte kagabi ay sinabi nitong may isang LGU sa Metro Manila ang hindi kayang organisahin ang pagbibigay ng ayuda dahilan upang ibigay umano niya ang trabaho sa DILG at Department of Social Welfare and Development.
Samantala, tinatayang aabot sa 11 milyong residente sa Metro Manila ang makakatanggap ng ayuda o katumbas ng ₱1,000 kada tao at hanggang ₱4,000 sa bawat kwalipikadong pamilya.