DILG, walang nakikitang mali sa pagpapabakuna ng mga PSG personnel laban sa COVID-19

Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi pinupwersa ang mga indibidwal na ibulgar ang anumang impormasyon kung ang COVID-19 vaccine na ginamit sa kanila ay donasyon.

Ito ang pahayag ng ahensya sa harap ng mga kontrobersiyang bumabalot sa bakunang ginamit sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) kahit wala pang approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang bakuna ay hindi dinonate sa ilang tanggapan ng gobyerno.


Aniya, dinonate lamang ito sa mga indibidwal na tao.

Kaya maaaring donasyon lamang ang mga bakunang ibinigay sa ilang miyembro ng PSG.

Wala ring ideya ang kalihim kung ang mga ginamit na bakuna ay mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm.

Wala ring nakikitang mali si Año sa pagpapabakuna ng mga PSG personnel at ng ilang Cabinet officials dahil boluntaryo ito sa kanilang parte.

Ang bakunang ginamit sa kanila ay ginagamit na sa bansang pinagmulan nito.

Pero paglilinaw ni Año na hindi pa ito ang opisyal na rollout ng COVID-19 vaccine sa bansa, kundi inisyatibo pa lamang ng PSG.

Wala pa aniyang batas na nagbabawal sa paggamit ng hindi rehistradong bakuna.

Naniniwala si Año na ang bakuna ay mula sa mga pribadong indibidwal na maaaring mga negosyante na umalis sa Pilipinas at nagawang makabili ng bakuna at ibinigay sa mga interesado.

Pinayuhan ng kalihim ang pubiko na huwag nang palakihin ang isyu dahil walang ilegal sa naturang pagpapabakuna.

Facebook Comments