DILG, walang nakikitang mali sa side trip ni Spokesperson Roque na nag-swimming kasama ang dolphins sa Subic, Zambales

Walang mali sa ginawa ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque matapos itong magtampisaw sa dagat sa Subic, Zambales kasama ang dolphins.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya sa Laging Handa public press briefing, pasok na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Subic, Zambales kung kaya’t pinapayagan na ang pagbubukas ng 50% ng turismo sa lugar.

Sinabi pa ni Usec. Malaya, maikokonsidera rin bilang Authorized Person Outside Residence (APOR) si Spokesperson Roque dahil binisita nito ang kanyang babuyan na ‘di umano’y nalulugi na at kinausap ang caretaker kung papaanong ididispose ang mga baboy at isa rin itong government official kung kaya’t maaari itong makalibot sa ilang lugar basta’t essential ang lakad.


Giit pa ni Usec Malaya, ngayong marami ng mga lugar sa bansa ang pasok sa MGCQ, maaari nang magbukas ng 50% ang turismo na sadyang tinamaan o naapektuhan ng COVID-19 pandemic basta’t makakatalima lamang ang mga may-ari sa minimum health standards.

Matatandaang umani ng negatibong kumento ang larawan ni Roque na kasamang nag-s-swimming ang mga dolphin dahil wala umano sa timing at dahil sa pagiging insensitive nito.

Facebook Comments