Manila, Philippines – Itinaas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board mula 45,000 units patungong 65,000 units ang tinatawag na common supply base ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Metro Manila.
Sa bagong Memorandum Circular No. 2018-005 ng LTFRB, ang common supply base naman ng TNVS sa Metro Cebu ay itinaas sa 1,500 units at 250 units sa Pampanga mula sa dating 500 at 200 units na unang nakapaloob sa Memorandum Circular No. 2018-003 ng ahensya.
Saklaw rin ng bagong memorandum ang pag-alis sa moratorium o pagbabawal sa pagtanggap ng mga bagong aplikasyon para sa certificate of public convenience upang makapag-operate bilang isang TNVS.
Pero ito lamang ay para sa aplikasyon ng mga hatchback units na dapat mas mura ang singil sa pasahe at bibiyahe lamang sa loob ng Metro Manila.
Ang pagbabago ay alinsunod sa kautusan ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magsagawa pa ng mabusising pag-aaral para sa kapakanan ng mga commuters ang regulatory agency sa kanilang direktiba na limitahan ang bilang ng mga pumapasadang Transport Network Companies (TNCs) katulad ng Grab Philippines at Uber Systems Incorporated.