Cauayan City, Isabela- Nakuhanan ng ipinagbabawal na gamot ang isang 16 taong gulang na binatilyo matapos na arestuhin ng mga alagad ng batas dahil sa paglabag nito sa alituntunin na ipinapatupad sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Dakong alas 4:50 kaninang madaling araw nang mahuli ng tropa ng PNP Cordon sa Brgy. Capirpiriwan, Cordon, Isabela ang naturang suspek na taga Brgy Roxas, Cordon, Isabela.
Una rito, habang nagpapatrolya ang mga elemento ng pulisya sa brgy Capirpiriwan ay nakita ang menor de edad na pagala-gala sa lansangan kaya’t agad na nilapitan ng mga pulis.
Tinangka pang umiwas ang suspek subalit nahuli rin ito ng mga pulis at dahil sa kahina-hinala nitong galaw ay inutusan ito na ilabas lahat ang laman ng kanyang bulsa na dahilan ng pagkakadiskubre sa isang (1) silver folded na papel na naglalaman ng hinihinalang marijuana.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang naturang suspek maging ang nakumpiskang item para sa tamang disposisyon.