
Iginiit ng ilang grupo na talamak ang political dynasty sa lalawigan ng Negros Occidental.
Sa ikatlong public consultation ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na idinaos sa Bacolod City, humarap ang iba’t ibang grupo upang ilahad ang kanilang posisyon kaugnay ng isinusulong na Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay Priscilla Goco ng Partido Manggagawa, maiuuri na sa “thin,” “fat,” at maging “obese” ang political dynasty sa kanilang lugar.
Aniya, ang mga posisyon sa probinsya ay mistulang kaharian, negosyo, o hacienda na pinaghahatian ng mga kabilang sa political clan.
Nanawagan ang grupo kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng komite, na agarang wakasan ang political dynasty dahil hindi na umano uubra ang self-regulation ng mga politiko.
Samantala, inihayag ni Himamaylan Vice Mayor Justin Gatuslao na bagama’t aminado siyang kabilang sa isang political dynasty, handa siyang suportahan ang mga hakbang upang wakasan ito sa kanilang lalawigan.
Partikular na sinang-ayunan ni Gatuslao ang pagbabawal sa pagpasa ng posisyon sa mga kamag-anak hanggang sa third at fourth degree of consanguinity.
Ikinalugod naman ni Hontiveros ang naturang posisyon at binanggit na maging sa Senado ay may ilang co-authors ng panukala na nagmula rin sa political dynasty ngunit sumusuporta sa reporma upang mas mapaluwag ang espasyo sa politika para sa iba.










