Tuguegarao City, Cagayan – Pinaupo na ng hukuman ang dinaya na Barangay Kapitan sa Ugac Norte Tuguegarao City, Cagayan matapos lumabas ang resulta ng ginawang protesta ni Jay Gayagoy noong nakaraang Barangay at SK Election.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Barangay Captain Jay Gayagoy, naglakas loob umano siya noon na iprotesta ang pagakaproklama ng kanyang katunggali dahil sa kanyang nakitang malaking pagkakaiba sa resulta ng kanilang pinagsamang boto kontra sa voter’s turn out ng presinto.
Aniya, batay sa bilang ng bomoto sa precinct no. 223 ay nasa 173 lamang samantalang ang kabuuan ng kanilang boto ni Daniel Castillo ay naitalang 237 na isang napakalaking diperensiya.
Nang tanungin siya sa konklusyon na siya ay dinaya sa nakaraang halalan ay kanyang sinabi na ang pagluluklok ng korte sa kanya ang makapagsabi sa usapin ng dayaan sa kanilang barangay noong nakaraang Barangay at SK Election.
Si Kapitan Jay Gayagoy na dating number one kagawad ng kanyang barangay ay nakatakdang italaga bilang Punong Barangay ng Ugac Norte, Tuguegarao City ngayong araw ng sheriff ng MTC Branch 2 ng Tuguegarao City.