Ipinagbabawal ng pamahalaan ang dine-in operation ng mga canteen at common smoking areas sa mga business establishments sa mga lugar na sakop ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para malimitahan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, karagdagang health protocols ang mga ito sa workplace na ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI).
Aniya, ang mga bagong protocols na iprinisinta ni Trade Secretary Ramon Lopez ay aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paglilinaw ni Roque, papayagan lamang sa mga canteen ay packed food at deliveries.
Pwede rin ang individual smoking sa open spaces pero bawal nang magkumpulan ang mga nagyoyosi sa iisang lugar.
Dapat ding maglaan ang mga kumpanya ng shuttle services sa kanilang mga empleyado at bawat tanggalin ang face mask at face shield sa loob ng sasakyan.
Ang face mask at face shield ay dapat isinusuot sa loob ng isang kwarto na may higit sa isa ang tao, habang may meetings o sa loob ng shuttle service.
Dapat ding nagpapatupad ng health precautions ang mga business establishments tulad ng paghuhugas ng kamay o sanitation at regular temperature checks sa mga empleyado at mga bisita.
Ang DTI at Department of Labor and Employment (DOLE) ay magsasagawa ng company visits at audits para tingnan ang pagsunod ng mga kumpanya sa health standards.