DINEPENSAHAN | Sen. Lacson, ipinagtanggol ang pag-aresto ng mga pulis sa 3 abogado

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson ang pag-aresto ng mga pulis sa tatlong abogado sa raid sa isang bar sa Makati na pinaghihinalaang ginagawang lugar para sa transaksiyon ng ilegal na droga.

Diin ni Lacson, hindi tamang kondenahin at agad na batikusin ang mga pulis sa kanilang aksyon laban sa nabanggit na mga abogad.

Paliwanag ni Lacson, malinaw sa mga lumabas na video na tumanggi ang mga abogado na ibigay ang kanilang pangalan, sino ang kanilang kliyente at ano ang ginagawa nila sa loob ng bar habang isinasagawa ang raid.


Ipinunto ni Lacson, na makikita sa video na nauna nang nag-ikot sa loob ng establisiyemento ang tatlong abogado at mistulang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon.

Tinukoy din Lacson na makikita sa video na ipinaliwanag ng mga pulis sa tatlong abogado na kung hindi ng mga ito babanggitin kung sino ang kanilang ikinakatawan ay aarestuhin sila at kakasuhan ng obstruction of justice.

Dahil dito, nanawagan si Lacson na pakinggan muna ang buong panig at paliwanag ng mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Para kay Lacson, mainam na suportahan ang seryosong paglilinis ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay at ang pursigidong opensiba laban sa ilegal na aktibidad, kabilang na ang droga.

Facebook Comments