Manila, Philippines – Dinepensahan ni SC Associate Justice Mariano del Castillo ang pagbili ng mamahaling sasakyan ni SC CJ Maria Lourdes Sereno.
Paliwanag ni Del Castillo, naaayon sa batas ang pagbili ng luxury vehicle.
Bagamat nakasaad sa isang administrative order na ipinagbabawal sa isang government official ang pagbili ng magarbong sasakyan, nakalagay din sa kaparehong order na exempted naman ang limang pinakamatataas na opisyal ng bansa sa nasabing kautusan.
Pinapayagan dito ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Chief Justice, Senate President at House Speaker ng luxury vehicle para sa security reason.
Sinabi pa ni Del Castillo na bago binili ni Sereno ang Toyota Land Cruiser ay dalawang taon na itong nasa budget ng korte.
Paglilinaw pa nito na mapupunta naman sa Supreme Court ang sasakyan matapos ang termino ng Chief Justice.