Naniniwala si WESMINCOM Commander Lieutenant General Cirilito Sobejana na nasa Zamboanga Peninsula pa rin ang dinukot na British National at ang kanyang Pilipinang asawa.
Aniya, hanggang sa ngayon ay wala pa ring ransom demand para sa mag-asawa na indikasyon na ibinibiyahe pa rin ang mga ito at hindi pa nag-settle sa isang lugar.
Dahil dito nakatuon ngayon ang Joint Task Force Hyrons na binubuo ng AFP, PNP at LGU ng Zamboanga del Sur, na mapigilan ang pagdadala sa mag-asawa sa Sulu sa pamamagitan ng naval blockade at pag-secure sa coastal areas.
Ayon Kay Sobejana, bagamat mayroon silang tinitignan na personal na motibo sa pagdukot at mayroon nang inilabas na mga larawan ng suspek sa krimen, malamang ay babagsak din sa kamay ng Abu-Sayyaf ang mga biktima.
Paliwanag ng Heneral, malimit nangyayaring nagpapa-sub-contract ang Abu Sayyaf, kung saan ibang grupo ang dudukot at ipapasa lang sa kanila.
Giit ni Sobejana, “relentless” ang kanilang efforts na mabawi ang dalawang kidnap victims sa lalong madaling panahon dahil nakatutok ang British embassy at mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kaso.
Matatandaang dinukot ng 4 na armadong suspek mula sa kanilang resort sa Barangay Alindahaw, Tukuran Zamboanga del Sur ang British national na si Allan Arthur Hyrons at ang kanyang Pilipinang asawa na si Welma Paglinawan Hyrons nitong Biyernes ng gabi.