Cauayan City, Isabela- Tuloy na tuloy ang paghahanda ng Diocese of Ilagan para sa tradisyonal na Simbang Gabi o Misa de Gallo na nakagawian na ng mga Katoliko tuwing papalapit ang pagdiriwang ng kapaskuhan.
Ayon kay Fr. Ric Zeus Angobung, Diocesan Chancellor, minabuting magbigay ng tagubilin ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat ng romano katolikong mananampalataya na masusunod pa rin ang panawagan ng gobyerno na ukol sa ipinatutupad na health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Aniya, tinitignan din ang posibilidad na idaos ang Simbang Gabi sa oras na alas-5:00 o alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 16.
Nakasaad din sa guidelines ng pamunuan ng CBCP ang pagdaraos ng misa sa umaga at gabi upang mas maraming makadalo sa misa ngayong 50% capacity lang ang pinapayagan sa bawat misa.
Tinitiyak rin ng Diocese of Ilagan na mababantayang mabuti ang mananampalataya na sumusunod sa health protocol habang nagdaraos ng misa.
Kaugnay nito, magkakaroon din ng pagbabago sa pagbabasbas ng imahe para masigurong hindi kakalat ang virus.
Para naman sa hindi makadadalo sa misa, magdaraos din ng online mass ang Diocese of Ilagan.