Diplomasiya sa pag-aresto sa mga lumalabag sa quarantine, ipinaalala ni PNP Chief Gamboa sa mga pulis

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa kanilang hanay.

Kasunod ito ng reklamo sa ilang pulis partikukar ang mga nakatalaga sa lalawigan ng Cavite dahil sa pambubugbog umano sa isang lalaking lumabag sa quarantine protocols.

Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, nakausap niya si CALABARZON Police Director Brigadier General Vicente “Vic” Danao, Jr. at idinetalye sa kanya ang pangyayari.


Lumalabas daw sa initial investigation na lasing ang lalaking violator kaya nahulog sa kanal at nagkaroon ng black-eye at mga pasa sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Ngunit, nagpapatuloy pa naman daw ang imbestigasyon para matukoy kung walang ginawang paglabag ang mga pulis.

Sa ngayon, mahigpit din na bilin ni Gamboa sa lahat ng pulis na palagi lang tapatan ng angkop na puwersa ang mga nagpupumiglas na violators kapag inaaresto.

Kailangan lang na pairalin pa rin aniya ang diplomasiya sa lahat ng pagkakataon.

Sakali namang may pagmamalabis ang mga pulis, siniguro ni Gamboa na mahaharap sila sa mga kaso at mapaparusahan.

Facebook Comments