Diplomasya na ginawa ng Pilipinas sa Vietnam at Malaysia, iminungkahing gawin din ng bansa sa China

Inirekomenda ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na gawin din ang diplomasyang pamamaraan sa China tulad ng ginawa ng bansa sa Vietnam at Malaysia.

Ayon kay Cayetano, dating kalihim ng Foreign Affairs, ang Vietnam at Malaysia ay parehong may itinayong permanenteng military infrastructure sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at hindi hamak na mas marami kumpara sa China.

Pero dahil sa magandang relasyon at maayos na pag-uusap ng Pilipinas sa Vietnam at Malaysia ay hindi kailanman nagbanggaan ang mga nabanggit na bansa.


Ito aniya ang maaaring gawin ng Pilipinas sa China na tinatawag na “telephone diplomacy” kung saan mas gusto ng China ang tahimik na “backchannel talks” kumpara sa nalalaman ng publiko ang pahayag ng dalawang bansa.

Kung tutuusin aniya ay hindi naman kalaban ang tingin ng China sa Pilipinas at naiipit lamang tayo sa girian nila sa Western countries.

Naniniwala ang kongresista na sa diplomasya pa rin mareresolba ang problema sa mga pinagaagawang teritoryo sa West Philippine Sea at hindi sa armadong pakikipaglaban.

Facebook Comments