Diplomatic action ng pamahalaan sa pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas, inaantabayan ng PCG

Naiparating na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga awtoridad ang insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas na maghahatid ng tulong sa Ayungin Shoal noong June 30.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, naisumite na nila ang kumpletong ulat ng insidente sa National Task Force West Philippine Sea.

Inabisuhan na rin ng PCG ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa insidente.


Ang DFA na lamang aniya ang bahalang magpaliwanag kung anong diplomatikong aksyon ang ipatutupad nito.

Sa ngayon, sinabi ni Tarriela na naghihintay na lamang sila sa mga susunod na hakbang ng gobyerno hinggil sa pangyayari.

Matatandaang hinarang umano ng malaking barko ng China ang barko ng PCG na may agwat lamang na 100 yards at nag-deploy pa ng warship sa 12 nautical miles ng Ayungin Shoal.

Samantala, sa kasalukuyan ay nakitaan naman ng pagbuti sa galaw ng Chinese Coast Guard at iba pang mga barko sa West Philippine Sea.

Giit ni Tarriela, nakatulong ang pagsisiwalat ng mga ginagawang panggigipit ng China sa dagat na sakop ng Pilipinas para mas tumino ang mga ito.

Facebook Comments