Iginiit ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino na dapat pa ring ituloy ng Pilipinas ang diplomatic engagement sa pagitan ng China.
Ito ay sa kabila ng katatapos lang na multilateral maritime cooperative activity sa pagitan ng Pilipinas, US, Australia at Japan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tolentino, kahit na nagsasagawa ang bansa ng iba’t ibang aktibidad sa ibang mga kaalyadong bansa sa West Philippine Sea ay dapat na tuluy-tuloy pa rin ang diplomatic engagement o pakikipag-usap ng Pilipinas sa China.
Naniniwala si Tolentino na darating din ang panahon na maaayos ang gusot ng bansa sa China tulad na lamang ng mga nangyaring pagtatalo sa teritoryo sa pagitan ng China at Russia noong 1991 na natapos sa isang kasunduan noong 2004 at China laban naman sa Vietnam na dalawang dekada ang inabot bago naresolba sa isa ring kasunduan noong 1999.
Binigyang diin ng mambabatas na hindi naman tayo dapat tumiklop sa China at sabayan ang diplomatikong pakikipag-ugnayan ng pagpapalakas sa mga alliances, pagpapaigting sa ating mga non-defense treaty allies na maaaring maging katuwang sa marine research tulad ng Norway, The Netherlands at Chile, at pagpapalakas sa ating internal defense capability.