Nanindigan ang Malacañang na reresolbahin ang tumitinding tensyon sa West Philippines Sea (WPS) sa mapayapang paraan.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos manawagan ang grupo ng mga negosyanteng Pilipino sa China na paalisin ang kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef at iwasan ang pagiging ‘imperial power.’
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng 2016 The Hague arbitral ruling at hindi ito isinasantabi ng Pilipinas.
Patuloy ding itinataguyod ng National Task Force on West Philippines Sea (NTF-WPS) ang soberenya ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Pinakalas din ang presensya ng maritime security at law enforcement forces ng Pilipinas sa lugar para protektahan ang mga Pilipinong mangingisda.
Nabatid na hindi hihinto ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China hanggang sa hindi umaalis ang kanilang mga barko sa karagatang sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.